Mga Artikulo
Paano Maglaro ng Chess | Mga Patakaran + 7 Unang Hakbang
Napakadali talagang matutunan ang paglalaro ng chess gamit ang aming step by step guide.

Paano Maglaro ng Chess | Mga Patakaran + 7 Unang Hakbang

CHESScom
| 722 | Para sa Baguhan

Hindi pa huli para matutong mag-chess - ang pinakasikat na laro sa mundo! Madaling matutunan ang mga patakaran ng chess:


Step 1. Paano Ayusin ang Chessboard

Sa simula ng laro, ang chessboard ng bawat player ay puti (o mapusyaw) na square ang nasa dulong-kanan sa ibaba.

Paano Ayusin ang Chessboard

Ang mga piyesa naman ay palaging inaayos ng pare-pareho. Ang pangalawang hilera (o rank) ay pinupuno ng mga pawn. Ang mga torre ay nasa magkabilang dulo, at sa tabi nila ay mga kabayo, sunod ang mga bishop, at sa wakas ay ang reyna, na laging nasa kakulay na square (puting reyna sa puting square, itim na reyna sa itim na square), at ang hari ay nasa natitirang square.

Chessboard

Ang pag-aayos ng mga piyesa sa simula ng laro ay talagang napakadali.

 Rekomendadong Kagamitan -> Sanayin ang iyong pagtingin sa board


Step 2. Paano ang Galaw ng mga Piyesa ng Chess

Ang bawat isa sa 6 na iba't-ibang uri ng piyesa ay magkakaiba ang galaw. Ang mga piyesa ay hindi pwedeng tumalon sa mga piyesang nakaharang (pero ang kabayo ay pwedeng tumalon sa ibabaw ng ibang piyesa), at hindi kailanman pwedeng pumunta sa square na kinalalagyan ng sarili niyang mga piyesa. Pero, pwede silang pumalit sa puwesto ng isang kalabang piyesa na kakainin pagkatapos. Ang mga piyesa ay karaniwang inilalagay sa mga posisyon kung saan pwede nilang kainin ang ibang piyesa (sa paglapag sa square nila at pagpalit sa kanilang puwesto), bantayan ang sariling mga piyesa kung sakaling makain, o kontrolin ang mga mahahalagang square sa laro.

Paano Itira ang Hari sa Chess

Ang hari ang pinaka-importanteng piyesa, pero isa sa mga pinakamahihina. Ang hari ay pwede lamang gumalaw ng isang square sa kahit anong direksyon - pataas, pababa, pagilid, at pa-diagonal. Hindi pwedeng gumalaw ang hari na malalagay siya sa check (kung saan pwede siyang kainin). Kapag ang hari ay inaatake ng ibang piyesa ito ay tinatawag na "check".

Galaw ng Hari sa Chess

Paano Itira ang Reyna sa Chess

Ang reyna ang pinakamakapangyarihang piyesa. Pwede siyang gumalaw nang kahit na anong diretsong direksyon - pasulong, paatras, patagilid, o pa-diagonal - kahit gaano kalayo basta hindi niya pwedeng daanan ang sarili niyang mga piyesa. At, gaya ng lahat ng mga piyesa, kapag ang reyna ay kumain ng piyesa ng kalaban tapos na ang tira niya. Pansinin kung paano kinain ng puting reyna ang itim na reyna at pagkatapos ay puwersadong gagalaw ang itim na hari.

Galaw ng Reyna sa Chess

Paano Itira ang Rook sa Chess

Ang tore ay pwedeng lumipat kahit saan niya gusto, basta ito ay paabante, paatras, o patagilid. Mas malakas ang mga tore kung pinoprotektahan nila ang isa't isa at nagtutulungan!

Galaw ng Rook sa Chess

Paano Itira ang Bishop sa Chess

Ang bishop ay pwedeng gumalaw nang kahit anong layo, basta diagonal lang. Ang bawat bishop ay nagsisimula sa isang kulay (puti o itim) at dapat laging manatili sa kulay na iyon. Ang mga bishop ay magandang magkasama dahil tinatakpan nila ang mga kahinaan ng isa't isa.

Galaw ng Bishop sa Chess

Paano Itira ang Kabayo sa Chess

Ang galaw ng mga kabayo ay kakaiba kumpara sa ibang piyesa - dalawang square sa isang direksyon, at pagkatapos ay isa pang square na naka-anggulo ng 90 degrees, parang hugis letrang "L". Ang mga kabayo lamang ang pwedeng tumalon sa ibabaw ng ibang piyesa.

Galaw ng Kabayo sa Chess

Paano Itira ang Pawn sa Chess

Natatangi ang mga pawn dahil iba ang tira nila kapag sila'y gumagalaw at iba kapag silay kumakain: gumagalaw ng paabante, pero kumakain ng padayagonal. Paabante lang ang galaw ng mga pawn at isa isang square bawat tira, maliban sa unang tira nito kung saan pwedeng umabante ng dalawang square. Padayagonal at isang square lang ang kanilang tira kapag kumakain. Hindi sila puwedeng kumain ng paatras. Kapag may piyesang direktang nasa harapan nila, hindi nila ito pwedeng laktawan ni kainin man.

Galaw ng Pawn sa Chess

 Rekomendadong Kagamitan -> Solo Chess (kainin ang lahat ng iyong piyesa)


Step 3. Tuklasin ang mga Espesyal na Patakaran ng Chess

May ilang espesyal na patakaran ang chess na sa simula ay mukhang hindi logical. Ginawa ang mga ito para gawing mas masaya at kawili-wili ang laro.

Paano Mag-promote ng Pawn sa Chess

May iba pang espesyal na kakayahan ang mga pawn at iyon ay kung makarating sa kabilang dulo ng board pwede itong maging ibang piyesa ng chess (promotion ang tawag).

Pagdama ng Pawn

Ang pawn ay pwedeng i-promote sa kahit anong piyesa. Karaniwang maling paniniwala na ang mga pawn ay pwede lamang ipalit sa mga piyesang nakain na. HINDI ito totoo. Ang pawn ay kadalasang ipino-promote na reyna. Mga pawn lang ang pwedeng i-promote.

Paano Mag-promote ng Pawn sa Chess

Paano mag-"en passant" sa Chess

"En passant" ang tawag sa huling patakaran para sa mga pawn, na sa wikang Pranses ay "sa paglampas". Kung ang pawn ay gumalaw nang dalawang square sa unang tira, at lumapag sa gilid ng kalabang pawn (nilampasan ang abilidad ng kalabang pawn na kumain), ang nilampasang pawn ay may opsyon na kainin ang dumaang pawn.

Paano mag-

Itong espesyal na kain ay kailangang gawin agad-agad, kung hindi ay hindi na pwedeng gawin sa mga susunod na tira. Mag-click sa halimbawa sa ibaba para maintindihan itong kakaiba, pero importanteng patakaran.

En passant sa Chess

Paano Mag-castle sa Chess

Castling ang isa pang espesyal na patakaran sa chess. Pinapayagan ka ng tirang ito na gawin ang dalawang importanteng bagay sa loob ng isang tira: dalhin sa kaligtasan ang iyong hari (sana nga), at alisin ang iyong rook sa sulok at isabak sa laban. Sa tira ng manlalaro pwede niyang igalaw ang hari ng dalawang square sa isang side at ilagay ang rook mula sa sulok ng side na iyon katabi ng hari sa kabilang side. (Tingnan ang halimbawa sa ibaba.) Kaya lang, para makapag-castle, kailangang matugunan ang mga sumusunod na kundisyon:

  • dapat ito ang pinakaunang tira ng haring iyon
  • dapat ito ang pinakaunang tira ng rook na iyon
  • hindi pwedeng may mga piyesa sa pagitan ng hari at torre para tumira
  • hindi pwedeng naka-check o dumaan sa check ang hari

Pansinin na kapag nag-castle ka sa isang direksyon ang hari ay mas malapit sa gilid ng board. Castling "kingside" ang tawag doon. Ang castling sa kabilang side, kung saan dadaanan ang kinalagyan ng reyna, ay castling "queenside" ang tawag. Alinmang side, laging dalawang square lang ang galaw ng hari kapag nagka-castling.

Paano Mag-castle sa Chess


Step 4. Alamin Kung Sino ang Unang Tumitira sa Chess

Ang manlalarong may mga puting piyesa ay ang laging unang tumitira. Kaya, ang mga manlalaro ay karaniwang nagpapasya kung sino ang puti sa pamamagitan ng kapalaran o swerte gaya nang paghagis ng barya o pahuhulaan sa isang player ang kulay ng piyesang nakatago sa kamay ng kalaban. Tapos titira na ang puti, susunod ang itim, tapos puti ulit, tapos itim ulit at paulit-ulit hanggang sa matapos ang laro. Ang pagtira nang una ay may maliit na kalamangan na nagbibigay sa puting manlalaro ng pagkakataong umatake agad.


Step 5. I-review ang mga Patakaran kung Paano Manalo sa Laro ng Chess

Maraming paraan para matapos ang isang laro ng chess: sa pag-checkmate, sa pagtabla, sa pagre-resign, sa pagkaubos ng oras...

Paano Mag-mate sa Chess

Ang layunin ng laro ay i-checkmate ang hari ng kalaban. Nangyayari ito kapag ang hari ay na-check at hindi makaalis sa check. May tatlong paraan lamang para makaalis sa check ang hari:

  • tumira palayo sa check (pero hindi pwedeng mag-castle!),
  • takpan ang check gamit ang ibang piyesa,
  • o kainin ang piyesang umaatake sa hari.

Kung ang hari ay hindi makatakas sa checkmate tapos na ang laban. Kaugaliang hindi kinakain ang hari o tinatanggal sa board, dinedeklara lamang na tapos na ang laban.

Fool's Mate

Halimbawa ng "Fool's Mate".

Paano Magtabla sa Larong Chess

Paminsan-minsan, walang nananalo sa chess, kundi tabla lamang. Merong limang dahilan kung bakit nagiging tabla ang laban:

  • Ang posisyon ay "stalemate" kung saan ang manlalarong titira ay walang legal na tira, pero HINDI naman naka-check ang hari nya

Stalemate sa Chess

Sa tirang Qc7, walang banta sa itim at hindi makagalaw. Ang laro ay deklaradong tabla dahil sa stalemate.

  • Pwedeng magkasundo sa tabla ang mga manlalaro at huminto sa paglalaro
  • Imposible ang mate dahil hindi sapat ang piyesa sa board (halimbawa: hari at bishop kontra hari)
  • Magdedeklara ng tabla ang manlalaro kung naulit ang parehong posisyong ng tatlong beses (hindi kinakailangang tatlong magkakasunod)
  • Limampung magkakasunod na tira ang nagawa kung saan walang gumalaw na pawn o nakain na piyesa ang kahit sinong manlalaro

Step 6. Pag-aralan ang mga Basic na Istratehiya sa Chess

May apat na simpleng bagay na dapat malaman ng bawat manlalaro ng chess:

Protektahan ang Hari mo

Dalhin sa sulok ng board ang hari mo kung saan karaniwang mas ligtas siya. Huwag ipagpaliban ang castling. Kadalasang mas magandang mag-castling agad kung pwede. Tandaan, walang saysay kahit malapit mo nang ma-mate ang kalaban mo kung ang hari mo ay naunang na-mate!

Huwag Ipamigay ang mga Piyesa

Huwag padalus-dalos na hayaang mawala ang iyong mga piyesa! Bawat piyesa ay mahalaga at hindi ka mananalo kung wala kang piyesang pang-mate. May madaling sistema na ginagamit ang karamihan sa mga manlalaro para masubaybayan ang kaukulang halaga ng bawat piyesa sa chess. Ano ang halaga ng mga piyesa ng chess?

  • Ang halaga ng pawn ay 1
  • Ang halaga ng kabayo ay 3
  • Ang halaga ng bishop ay 3
  • Ang halaga ng torre ay 5
  • Ang reyna ay singhalaga ng 9
  • Ang hari ang pinakamahalaga

Sa pagtatapos ng laban ang mga puntos na ito ay walang kabuluhan – ito ay isang sistema lamang na pwede mong gamitin sa pagpapasya habang naglalaro, tinutulungan kang malaman kung kailan kakain, makikipagpalitan, o gagawa ng ibang mga tira.

halaga ng mga piyesa sa chess

Kontrolin ang Sentro ng Chessboard

Dapat mong subuking kontrolin ang sentro ng board sa pamamagitan ng iyong mga piyesa at pawn. Kapag kontrolado mo ang sentro, mas marami kang paglalagyan ng iyong mga piyesa at mas magiging mahirap sa kalaban mo ang maghanap ng magandang puwesto para sa mga piyesa nya. Sa halimbawa sa ibaba magaganda ang tira ng puti para makontrol ang sentro samantalang ang itim naman ay pangit ang mga tira.

Gamitin ang Lahat ng iyong mga Piyesa sa Chess

Sa halimbawa sa itaas ang lahat ng piyesa ng puti ay nasa laro! Ang mga piyesa mo ay walang magandang magagawa kung mananatili sila sa unang hilera. Subukang i-develop ang lahat ng iyong mga piyesa para marami kang magamit kapag aatakehin mo ang hari. Ang paggamit ng isa o dalawang piyesa lamang sa pag-atake ay hindi gagana laban sa mahusay-husay na kalaban.


Step 7. Maglaro nang Marami para Masanay sa Chess

Ang pinaka-importanteng bagay na pwede mong gawin para maging mas mahusay sa chess ay maglaro nang maraming chess! Hindi mahalagang maglaro ka sa bahay kasama ang mga kaibigan o pamilya, o maglaro nang online, ang mahalaga ay kailangan mong maglaro nang marami para maging mas mahusay. Sa panahong ito ay madaling makakita ng online na larong chess!

Paano Maglaro ng mga Variant ng Chess

Habang ang karamihan sa mga tao ay naglalaro ng standard chess, ang iba ay gustong maglaro na may pagbabago sa mga patakaran. Ang tawag sa mga ito ay "chess variants". Ang bawat variant ay may kani-kaniyang mga patakaran.

  • Chess960: Sa Chess960 (Fischer Random), ang umpisang posisyon ng mga piyesa ay random. Ang mga pawn ay nasa normal nilang posisyon pero ang iba pang mga piyesa ay inaayos ng random.
  • King Of The Hill: Sa format na ito, ang layunin ay mailagay ang hari mo sa gitna ng board o "top of the hill."
  • Bughouse: Ang format na ito ay nilalaro ng magkapareha. Kapag ang isang manlalaro ay kumain ng isang piyesa ng kalaban, ang piyesang ito ay magagamit ng kanyang kapareha. Halimbawa: Kung puti ang nilalaro ko at ang kapareha ko na itim ay kumain ng puting kabayo sa kalaban nya, sa tira ko ay mayroon akong kabayo na pwede kong ilagay sa kahit na saang square na libre sa board ko. Pwede kong gawin ito kahit kailan sa mga susunod kong tira.
  • Crazyhouse: Ito ay isang kapana-panabik na format, dahil pwede mong gamitin ang mga piyesang kinain mo sa kalaban. Yun ay, kapag nilalaro ko ay Puti at kumain ako ng itim na pawn ng kalaban ko, ang pawn na iyon ay magiging puting pawn na pwede kong ilagay sa board bilang miyembo ng aking hukbo. Pwede kong gawin ito kailanman sa mga susunod kong tira.
  • 3-Check: Sa format na ito, ang unang manlalarong maka-check ng kalabang hari nang tatlong beses ay panalo.

mga variant sa chess

I-enjoy ang chess gamit itong mga kahanga-hangang chess variants.

 Rekomendadong Artikulo -> 5 Kahanga-hangang Chess Variants


Paano Maglaro ng Chess960

Sinusunod ng Chess960 ang lahat ng patakaran ng standard chess, maliban lang sa panimulang posisyon ng mga piyesa sa back rank, na nag-iiba-iba nang pagkakalagay sa loob ng 960 na posibleng posisyon. Ang castling ay ginagawa tulad ng sa standard chess, kung saan ang Hari at Tore ay mapupunta sa karaniwan nilang squares (g1 at f1, o c1 at d1). Kaparehas lang sa standard chess ang paglaro ng 960, pero mas sari-sari ang mga opening.

Paano Maglaro ng Chess960

Rekomendadong Kagamitan -> Maglaro ng Chess960 kontra Kompyuter

 Rekomendadong Kagamitan -> Makipaglaro ng Chess960 sa mga Kaibigan


Paano Maglaro gamit ang mga Pampaligsahang Patakaran sa Chess

Maraming paligsahan ang sumusunod sa mga pangkaraniwan, magkakahalintulad na patakaran. Ang mga patakarang ito ay hindi kinakailangang sundin sa paglalaro sa bahay o online, pero baka gusto mo rin silang i-ensayo kahit papaano.

  • Touch-move - Kapag hinawakan ng manlalaro ang isa sa kanyang mga piyesa kailangan niya itong itira basta legal ang tira. Kapag hinawakan ng manlalaro ang piyesa ng kalaban, kailangan niya itong kainin. Ang manlalaro na gustong humawak ng piyesa para lang ayusin sa board ay kailangan munang ipaalam ang layunin, karaniwan ay sa pagsasabi ng "adjust".
  • Mga Relo at Orasan - Karamihan sa mga paligsahan ay gumagamit ng orasan para makontrol ang oras na iginugugol sa bawat laro, hindi sa bawat tira. Bawat manlalaro ay nakakukuha ng parehong bilang ng oras para gamitin sa buong laro at pwedeng magpasya kung paano gagamitin ang oras na iyon. Pagkatira ng manlalaro pipindutin niya ang button o ibaba ang lever para tumakbo ang orasan ng kalaban. Kapag naubusan ng oras ang manlalaro at tinawag ng kalaban ang oras, talo sa laro ang manlalarong naubusan ng oras (maliban na lang kung kulang ang piyesa ng kalaban para maka-mate, pagkagayon tabla ang laro).

Mga Madalas Itanong Tungkol sa Chess (FAQs)

Maaaring ma-overwhelm ka nang konti sa lahat ng impormasyong ito. Kaya ibinibigay namin sa iyo itong mga madalas na katanungan na karaniwang nangyayari sa mga taong nagsisimulang pumasok sa mundo ng chess. Sana ay maging kapaki-pakinabang sa iyo ang mga iyon!

Mga Madalas Itanong Tungkol sa Chess (FAQs)

Paano ako magiging mas magaling sa chess?

Ang pagiging marunong sa mga patakaran at istratehiyang basic ay umpisa pa lamang - napakaraming dapat pag-aralan sa chess na hindi mo kayang matutunan ang lahat sa buong buhay mo! Para humusay, kailangan mong gawin ang tatlong bagay na ito:

  1. Maglaro ng maraming chess — basta maglaro lang nang maglaro! Maglaro hangga't pwede. Dapat kang matuto sa bawat laro – sa mga nanalo ka at sa mga natalo ka.
  2. Mag-aral gamit ang mga aralin sa chess — Kung gusto mo talagang gumaling nang mabilis kailangang gawin mo ang ilang mga online na aralin sa chess. Makikita mo rito ang mga online na aralin sa chess.
  3. Magsaya — Huwag madismaya kung hindi mo mapanalunan agad ang lahat ng mga laro mo. Ang lahat ay natatalo – kahit na ang mga pang-daigdigang kampeon. Basta patuloy ka lang na nagsasaya at natututo sa mga larong talo ka ay pwede kang masisiyahan sa chess magpakailanman!

Ano ang pinakamagandang unang tira sa chess?

Habang wala namang napagkakasunduang pinakamalakas na tira sa chess, importanteng subukang kontrolin agad ang sentro. Ito'y nagreresulta sa pagtira ng karamihang mga manlalaro ng isa sa kanilang mga pawn sa sentro (sa harap ng hari o reyna) nang dalawang square na 1. d4 o 1. e4. Mas gusto naman ng ibang manlalaro ang 1. c4 o 1. Nf3. Ang karamihan sa iba pang mga tira ay hindi kasing-lakas. Si Bobby Fischer ay naniniwalang pinakamalakas ang pagtira sa pawn ng hari 1. e4.


Anong kulay ang nagsisimula sa chess?

Ang manlalarong may mga puting piyesa ay ang laging unang titira.


Pwede bang tumira ng paatras ang pawn?

Hindi pwedeng gumalaw nang paatras ang mga pawn. Subalit, kapag umabot sa kabilang dulo ng board ang pawn kailangan mo itong i-promote sa ibang piyesa (tulad ng reyna). At ito ay makagagalaw din nang tulad ng piyesang iyon, at pwedeng gumalaw paatras.


Pwede ka bang tumira ng dalawa o higit pang piyesa sa iisang tira?

Isang piyesa lang ng chess ang pwede mong igalaw sa tira mo - pero may isang kakaiba! Kapag nag-castle ka, ginagalaw mo ang hari at rook sa isang tira.


Ano ang pinakamahalagang piyesa ng chess?

Ang hari ang pinaka-importanteng piyesa ng chess. Kung maiwala mo ang hari, talo ka sa laro. Pero ang reyna ang pinakamalakas na piyesa ng chess.


Kailan inimbento ang chess?

Ang pinagmulan ng chess ay hindi gaanong malinaw, pero paniwala ng nakararami ito'y hango sa mga larong tulad ng chess na nilalaro sa India noong mga dalawang libong taon nang nakararaan. Ang laro ng chess na alam natin ngayon ay nagsimula noong ika-15 na siglo kung saan naging popular ito sa Europa.


Ano ang pinakamahabang laro sa kasaysayan ng chess?

Ang pinakamahabang laro ng chess (sa dami ng tira) na nilaro sa paligsahan ay ang Nikolić kontra Arsović nung 1989 sa Belgrade, Serbia.


Ano ang chess notation?

Ang notation ay inimbento para makapagsuri tayo ng mga larong chess pagkatapos nating laruin ang mga ito. Salamat sa notation, pwede nating i-rehistro ang buong laro sa panulat at uliti-ulitin ito nang kahit na ilang beses nating gusto. Kailangan lang nating isulat ang tira natin at ng ating kalaban nang tama.

Notation sa Chess

Ang chess notation ay nagpapahintulot na mapreserba ang lahat ng iyong mga laro...

Ang bawat square ay may coordinate at ang bawat piyesa ay isinasalarawan ng isang initial (N para sa kabayo, B para sa bishop, Q para sa reyna, R para sa rook, at K para sa hari).

 Rekomendadong Artikulo -> Chess Notation - Ang Wika ng Laro


Ano ang layunin ng chess?

Ang chess ay nilalaro ng dalawang magkalaban na nasa magkabilang panig ng isang checkered board na may 64 square. Bawat manlalaro ay may 16 piyesa: 1 hari, 1 reyna, 2 tore, 2 bishop, 2 kabayo, at 8 pawn.

Kagamitang chess

Isang board, dalawang manlalaro at 32 piyesa ang kailangan mo para simulan ang isang laro.

Ang tunguhin ng laro ay ang pag-mate sa hari ng kalaban. Nangyayari ang mate kapag ang hari ay nasa posisyon na pwede itong kainin (na-check) at hindi na ito makakatakas.

Maglaro ng Chess Online

Handa ka na bang maglaro ng chess? Mag-sign up nang libre sa Chess.com at magsimulang maaliw sa laro!

Mas marami pa galing kay CHESScom
Ang 10 Pinakamahusay na Patibong sa Chess

Ang 10 Pinakamahusay na Patibong sa Chess

Gaano Karami Ang Naglalaro ng Chess sa Buong Mundo?

Gaano Karami Ang Naglalaro ng Chess sa Buong Mundo?